Wednesday, December 17, 2008

Manong Driver

Kagabi sinundo ko ang kaibigan ko sa paglabas nya mula sa kanyang duty sa ospital. Hinintay ko sya sa isang kanto kung saan may maliit na tindahan na may naka-park na tempurahan sa tabi. Tempura on wheels kumbaga. Dito mo lang 'yan makikita sa Pilipinas.

Maraming tao sa kantong tinambayan ko. Maraming dumadaan. Palibhasa kasi palitan na ng duty. Marami ring pumupunta sa lugar na ito lalo na 'yong naghahanap ng mura pero masarap na barbecue. Minsan nga, nakita ito sa TV, sa Extra Challenge yata 'yon ng Kapuso Network. Pinaluto nila rito at pinabenta ng barbecue 'yong mga artista nila.

Meron namang nag-uusap lang sa tabi ng daan, dalawang babae at isang lalaki. Meron ding katulad kong nag-aabang ng kaibigan o kapamilya nilang galing sa duty. Si Manong Driver naman ng tempura on wheels, nag-aabang din ng kostumer para madagdagan ang benta. May babae namang gumagamit ng pay phone sa maliit na tindahan. Abala kaming lahat, walang pakialam sa isa't isa.

Nagulat na lang ako nang patawang sinabi ni Manong Driver, "Babae pala! Akala ko bakla!" Tinutukoy pala nya 'yong isa sa mga babae na may kasamang lalaki. Oo, 'yong nag-uusap lang sa tabi ng daan. Papalayo na sila nang sinabi 'yon ni Manong Driver. Akala nya siguro bakla kasi matangkad 'yong babae at medyo payat na parang hugis-lalaki na ang katawan. Pero naka-shorts 'yong babae, at mukhang flawless din naman tingnan kasi maputi siya, kahit na bombilya lang ang ilaw sa kantong 'yon.

Okey na sana, eh. Pwede ko na sanang palampasin ang sandaling 'yon. Pero inulit-ulit pa ni Manong Driver nang maraming beses, "Babae pala! Akala ko talaga bakla!" Si Manong Tindero ng maliit na tindahan ang kausap nya, pero 'di naman ito umiimik. No comment lang si Manong Tindero. Napag-isipan ko tuloy, baka nanghihinayang si Manong Driver na hindi nya napagmasdan nang mabuti ang babae. Nanghihinayang siguro siya na hindi nya tinuloy-tuloy ang pagkilatis sa babae kasi akala nya ay bakla ito. Iniisip nya siguro, sana tumingin pa ako nga matagal, babae naman pala. Sayang. Dinaya si Manong ng kanyang paningin. Kasalanan ng bombilya.

Pagkaraan ng ilang minuto naka-recover din si Manong Driver sa kanyang pagkamangha. Mabuti naman. Tahimik na uli sa kantong tinambayan ko. Marami pa ring dumadaan. Umalis na ang babaeng nakigamit ng pay phone. Paglingon ko, wala na ang tempura on wheels. Napadaan lang din pala si Manong Driver.

No comments:

Post a Comment

The Crossroads in a Physician's Journey

Replying to one of the emails/comments from one of our readers, Jesselyn, in  The Tipster: The Idiot's Guide to Residency. ******...